Wednesday, May 06, 2015

Ang "Pakikisama" sa Korapsyon at Kultura

Para sa maraming Pilipino, ang kaugalian ng "pakikisama" ay nag-uugat sa magandang relasyon sa pakikipag-ugnayan at pakikipagkaibigan. Ngunit, BABALA! Mag-ingat sa mga patibong...

Nais kong tahakin ang isyu na ito, sapagkat sa aking palagay - mula sa maliliit na mga pangyayari o paktor nagmumula ang mga malalaki nating problema sa bayan. Isa ang pakikisama sa mga paktor na ito.


Ano nga ba ang pakikisama?
Ito ay pagbabahagi ng iyong oras, panahon, paniniwala (at kung minsan - pera) para sa pakikipagkapwa sa iyong mga kapitbahay o kahit sa mga taong hindi kilala. Kung minsan, ang pakikisama ay naaangkop pati na rin sa mga kaibigan ng kaibigan o kamag-anak ng kamag-anak na hindi taga dun sa lugar na iyon. Mabuti sana kung hanggang doon na lang ang depinisyon ng "pakikisama" ngunit hindi natin maikakaila na karaniwang may alak sa mga pagtitipong ito.

Ito'y isang komplikadong konsepto, na sa aking palagay ay mas maraming naidudulot na masama kaysa mabuti.

Naniniwala rin ako na ito'y nagdudulot sa pagkawala o pagsasawalang bahala ng prinsipyo ng tao - maging ang pananalig nito sa batas at sa Diyos.

Dito ngayon pumapasok ang pagtanggap sa "status quo", kompromiso o ang pagtanggap ng kasalukuyang kalakaran sa isang lugar. Wala sanang problema, kung ang mga pakikisamahan mo ay mga taong matuwid ang hangarin at paniniwala.

Paano, kapag sila'y mga baluktot?

Obligasyon
Karaniwang nagsisimula ang pakikisama sa pagtawag sa iyo ng mga manginginom ng isang barangay o lugar. Marahil, ito ay isang hindi eksaktong deskripsyon, ngunit sa kanayunan ng ibang mga lugar, eto ang karaniwang pangyayari. Sa buhay sa Pilipinas, sa madaling salita ay may dalawang uri ng mga tao - ang mga nananahimik - at ang mga manginginom.

  1. Ang mga nananahimik ay yung mga taong may hanapbuhay, trabaho at karamptang gawain sa kanilang buhay. Tahimik sila pagkat sila ay busy sa pag-angat ng kanilang kabuhayan.
  2. Ang mga chronic na manginginom ay yung mga taong hindi mapakali sa kalsada at parating naghahanap ng pagkakaabalahan, pagkakakitaan o ng taong makakapitan at mahuhuthutan...

Maaaring maging maganda ang kalalabasan ng samahang ito, maaaring hindi. Kapag ikaw ay hindi sanay sa kaugalian ng mga manginginom, marahil ay ikaw pa ang mapahamak. Kung hindi naman,
ikaw ay lalasingin upang:

  1. Maihayag mo ang iyong mga personal na problema, at matukoy nila ang iyong mga kahinaan.
  2. Maakit ng isang babaeng sa kanila manggagaling, at ikaw ay makompromiso.
  3. Matukoy nila kung ano ang iyong layunin at kakayahan sa buhay - upang sila ay makahingi o makadispensa ng tulong. 

Itutuloy...

No comments:

Post a Comment

EventId's in Nostr - from CGPT4

The mathematical operation used to derive the event.id in your getSignedEvent function is the SHA-256 hash function, applied to a string rep...