Sunday, January 10, 2016

Chapter VI – “Presyong Kamag-Anak”


“Magkano ba ang presyong kamag anak?”, 
ika nung taong aking kausap.

 
Sa gitna ng kabukiran, minamasdan namin ang mga pinya na tinanim ng aming mga volunteer galing sa ibang bansa.  

Simpleng mga kataga, paulit-ulit na umaalingawngaw sa aking kamalayan. Sa pagdalisay ng hangin sa aking mukha, pumasok sa aking kaisipan ang lahat ng pinaghirapan ko dito sa lupaing aming minana. Naranasan kong muli ang mga bagyong aming dinanas at nalampasan. Naalala ko ang pagmamahal ng aking ama sa mga puno, - Oo nga, ang mga puno, na siyang pinatanim ng aking ama ay nagwasiwas sa pag-ihip ng hangin. Ang mga gumuho naming gusali na hindi ko na kayang ipagawa ay tumambad din sa aking kamalayan. Ang pagtabas ko ng damo gamit ang aking sariling mga kamay at ang mga kating matitindi dulot ng aking mga sugat sa pagsalay ng mga matitinik na halaman.


“Presyong Kamag Anak”…

Pangarap ng lahat ang makakamit ng kanilang sariling tahanan. Ilang brochure na ba ang naiabot sa’yo na nakasulat ang mga katagang “Buy your dream house now! At low, low price!”

Kaibigan, darating ang araw na maaabot mo rin ang mga pangarap mo. Ngunit, darating din ang araw na kung saan iiwan mo ang lahat ng ito. Pagdating ng araw na iyon, nais mo bang ipagbili ng mga anak mo ang inyong luklukan ng mga pangarap, ang inyong tinubuang lupa, lupang sinilangan, ang lugar kung saan inilibing mo ang iyong mga alagang hayop, ang lugar na kung saan lumaki ang inyong mga anak, nagcelebrate ng birthday, binyag at kung ano-ano pa. 

Nais mo bang ipagbili ang lahat ng iyon, sa “presyong kamag-anak”?

Ang aking istorya’y maiintindihan lamang ng mga taong nakakamit na ng mga pangarap na iyon. Ang buhay at ang pagtayo ng tahanan kasi ay isang proseso tulad ng mga panahon ng pagtanim at panahon ng pag-ani. Ang araw ay sisikat, at ang araw ay lulubog.

Sa panahon na iyon, nautal ako at hindi nakapagsalita. Nalimutan ko na ang mga salita tulad ng “Fair Market Value” o Appraised Cost o Shares of Stock. Labas lahat ng iyon sa bintana.  

Wala sa aking natural na kaugalian ang mambastos ng kapwa, lalo na sa mga nakakatanda – kahit na gusto kong sumumbat ng hindi kanais nais. 

Ang nasambit ko na lamang ay, “Doon na lamang po tayo mag-usap sa loob ng bahay.” Batid ko kasi na ang hangin ay nagdadala sa ating mga boses, sa mga tengang hindi dapat nakakarinig. Hindi nila naintindihan iyon, at nainis. Kunsabagay, iba na rin talaga siguro ang values ng mga nangibang bansa. Sila’y umalis ng walang natapos na kasunduan. 

Marahil nga ay hindi iyon ang tamang pagkakataon. 

Dahil kung ganyan ang ugali ng tao, ay lalong hindi niya makakayanan ang ugali dito sa sulok ng isang probinsya na kung saan iba talaga ang ugali ng mga tao. Iba ang batas nila dito kahit gaano mo gusto imemorize ang Civil Code at Constitution of the Philippines.  

Naalala ko tuloy yung isang kawani ng gobyerno. Minsan ay bumulabog siya sa aming gate mag 12 ng hatinggabi, lasing. “Hindi mo ba ako kakilala? Ako ang chairman ng peace and order dito.”

Ha, ano daw?

Tama, at tunay nga ang sinabi ng aking mga magulang noong ako’y bata pa. Ang tangi nga lamang nilang maipapamana sa amin na tunay na may halaga – ay ang aming edukasyon. Lahat ng iba ay bonus na lamang.
Sabi nga ng isang kapwa kong broker, dapat ibinenta niyo na lang nung bago pa. 

Marahil nga ay totoo.

Ngunit ang tangi ko lamang masasabi ay, 

“I believed.” 

“I loved.”

Nangarap din ako e. Naniwala ako at nangarap ako na maaaring makapamuhay ng maayos dito sa Pilipinas. Magsipag ka, magtiyaga, sabi nga ni Manny Villar at aasenso ka. Komplikado ang katotohanan.

So, magkano nga ba ang “presyong kamag-anak”? Eto ba’y fair market value o base sa zonal value? Kasama ba diyan ang depreciation cost? Improvement? Commercial potential? 

Sige, at marahil isantabi na rin natin lahat ng sentimental value. Hindi naman malalagyan ng presyo yon e.
Ang sagot: depende kung anong klaseng kamag-anak yan.



P.S. Matagal kong ipinagpaliban ang pagsulat nito gawa ng aking pagtimbang sa magiging reaksyon ng mga tao. Ang dahilan kung bakit ito'y aking sinulat ay dulot ng kaalaman ko na nangyayari din ito sa marami ngayon.

Nariyan ang mga nakapag-ibang bansa na biglang nakakamit ng maganda at maaliwalas na buhay. 

Nariyan ang mga naiwan upang makipagsapalaran sa loob ng sariling bayan. 

LESSON: Sa mga nakapag-ibang bayan na mayroon ng mga magagandang buhay, marahil ay huwag ninyong makalimutan ang mga turo ng ating mga magulang na maging mapagkumbaba. Oo, may mga naiiwan dito at dahil sa hirap ng buhay sa Pilipinas ay patuloy na nakikipagsapalaran. Yun nga ang dahilan kung bakit kayo nagibang bayan hindi po ba?

Bagkus ay huwag ninyo sanang gamitin ang inyong pagiging maaliwalas sa buhay upang manliit ng kapwa, lalong lalo na ang inyong mga naghihirap na kamag-anak. 

Kung nais ninyong tumulong, ay gawin ito sa paraang makapagdudulot ng kabutihan at kapayapaan na kalugod lugod sa Diyos.
 

No comments:

Post a Comment

EventId's in Nostr - from CGPT4

The mathematical operation used to derive the event.id in your getSignedEvent function is the SHA-256 hash function, applied to a string rep...