Ganito pala ang pagiging PRC licensed real estate broker, magastos. (O ayan, may bold face at underline pa yan ha)
Kami'y nagparegister sa PRC, nanumpaan, pabalik-balik sa Maynila, pa-attend attend ng mga convention, General Assembly, nagpunta sa HLURB sa Calamba, membership meeting at papicture picture para magawa ang mga kailangang gawin bago maging isang payak at lehitimong lisensyadong broker. Katakot takot na pila, katakot takot na paglalarga at katakot takot na pamasahe ang inabot ko.
Kung sabagay, lahat naman ng ito ay hindi naman talaga kailangan. Minabuti ko pa ring dumalo upang maramdaman ko naman ang aking panibagong propesyon.
Natupad na rin ang aking pangarap... na makabili ng puting polong barong... |
"Panunumpaan"
"Kailangan pala ng lisensya niyan?" sabi nung bunging tricycle driver habang ako'y nagco-commute pauwi sa bahay.
"Aba, oo," ka ko sa kanya pasigaw sa hangin sa likod ng tricycle na matulin, "pwede ka kaya makulong o magbayad ng daan daang libo kapag nagbibili ka ng bahay at lupa na hindi naman iyo at kapag hindi ka lisensiyado."
Pauwi ako noon galing sa maraming lakad sa Las Pinas, Muntinlupa, Paranaque area. Nag papa-accredit sa developer, nag-aattend ng mga meeting, nag-sisite orientation. Bukas ko na papaliwanag kung ano ang ibig sabihin ng mga yon. Sa madaling salita, nagsusunog ako ng pera para makapunta sa iba't ibang lugar. Parang ang saya pakinggan ano?
Burn money, will travel.
Ang problema, kaunti lang ang pera ng Danny. Hindi po pwede makisuno sa Maynila.
"A ganon pala iyon." tanging nasambit nung tricycle driver.
Binigyan ko siya ng flyer ng Amaia Batangas, sabi ko sa kanya, "O yan pare, tignan mo o. Este, hawakan mo lang muna at baka madisgrasya tayo. Mamaya mo na tignan."
Kinuha niya ang flyer at inilagay doon sa suksukan ng tricycle niya.
"Mga 'Maliliit' na Milagro nung Hunyo at Hulyo"
Naranasan mo na ba ang lumuwas pa-Maynila ng wala kang kapera pera? Halos imposible di ba? Ngunit sa araw na iyon, ako'y nakaranas ng isang maliit na milagro. Ewan ko ba kung bakit ako'y hindi mapakali at pakiramdam ko'y kailangang kong makapunta sa NGMM (National General Membership Meeting) ng REBAP (Real Estate Brokers Association of the Philippines.
Halos P180 pesos lamang ang tangan sa bulsa, samantalang ang pamasahe ay umaabot ng:
1. P20.00 - Tricycle papuntang Starbucks Lipa (P15 dapat pero mahabang istorya)
2. P8.50 - Multicab papuntang SM Grand Terminal
3. P94.05 - RRCG bus papuntang Alabang South Station o Starmall (Oo, may 0.05 pa)
4. P8.00 - Jeep mula Alabang hanggang Toyota BF
Ayan P130.00 na, hindi naman ako makakauwi.
Teka, bakit ako bumaba sa Toyota BF kung sa Le Pavillion Pasay ang lakad ko?
Iyon ang unang maliit na milagro.
Nandun kasi ang bahay ng aking ina. Baka sakaling makahiram ng kotse at kaunting pang-gasolina. Paano naging milagro? Hindi ko alam kung nasa bahay siya sapagkat hindi ko siya ma contact sa cellphone.
Pagdating ko doon, naroon ang kotse, naroon ang mommy.
"Ma, good morning! Baka po pwedeng makahiram ng kotse? Kulang kasi ang pamasahe ko." Sabay kamot sa ulo na nahihiya. After all, 33 anyos na ako.
Sa kabutihang palad, at kabutihan ng mama, aba naka hiram pa ng P500 pesos na pang-gasolina.
Hindi pa iyon ang milagro. :)
Sa madaling salita nakarating ang Danny sa NGMM sa may Le Pavillion, Pasay, at -
Si Kuya Eddie at si Danny na tabingi ang kurbata |
Sa hindi inaasahang pagkakataon, nanalo ako ng PHP5,000 EGC mula sa Ayala Land.
P5,000 EGC Ayala Land REBAP NGMM June |
So pag-uwi ng bahay, ibinigay ko sa aking ina ang P3,000 na EGC. "Praise the Lord! Eto po ma, malapit lang ang ATC. Good as cash po iyan."
Ngiti ko'y parang asong ewan, hindi pa rin makapaniwala sa aking suerte - ops, hindi nga pala ako naniniwala sa suerte. Itinalaga ng Diyos iyon para sa Kanyang layunin.
Syempre, ang naiwan ay para kay Komander, hiniram ko sa kanya yung P100 e. Paguwi ko sa bahay, ngiting ngiti ako at nag-abot ng Angel's burger (kuripot ko ano?). Buy one take one kasi eh.
"But wait, there's more!" Sabi ko :)
Sa kanya ko ibinigay ang P2,000. (Na sa kabaitan ng aking misis, ay ipinang regalo din niya sa aming mga kaibigan sa Homeschool Fellowship namin dito sa Batangas, nang sila ay bumisita at nagdala ng bigas kung kailan walang wala na ang kaban ng mga Garcia)
So, Lord, galing mo talaga. Salamat po at salamat sa mga taong ipinakilala niyo sa amin. Salamat po sa lahat ng biyaya, salamat po sa lahat ng milagro maliit man o malaki.
"Sobre"
Naranasan mo na ba ang makatanggap ng sobre?
"Oo naman, Globe bill, Meralco, Cease and Desist Order o kaya Warrant of Arrest" sabi siguro nung iba.
Wag daw ganun, positive daw. O yan, birthday, kasal o invitation sa kasal. O di ba happy?
Hindi rin ganun e.
May cash sa loob.
"Bakit birthday mo?"
Hindi.
"May namatay?"
Wala.
"Sirit na! Kulit talaga nito!"
Wala lang. Binigyan lang nila ako. Hindi ko alam kung bakit.
Dun ko natutunan ang ibig sabihin ng "Grace". Halos kaapilyido namin yan, o di ba? "Garcia"
Sinong Grace? Hindi sino.
Ano.
August 9 @ Victory Lipa 8 AM service |
Kung si Stan Lee (Marvel Comics) ang nagsulat ng Bible, siguro si Jesus Christ ay magiging super powerful na King of the universe. Parang makukuha niya powers ni Wolverine, Cyclops, Galactus, Magneto, Professor X, Spiderman, Superman, Batman at iba pa.
Buti na lang hindi comics ang Bible.
Sa halip, naging tao siya. Tapos tinuruan tayo. Pero ano ang ginawa natin, kinutya, dinuraan, pinako ng kapwa nating mga tao sa krus.
Para saan? Bad trip namang super hero si Jesus Christ kung ganyan.
Ayan, nakatatak pa dun sa krus INRI o "Iesvs Nazarenvs Rex Ivdaeorvm" o sa Tagalog "Hesus Nazareno, Ang Hari ng mga Hudyo" bilang pagkukutya sa Kanya.
Andami nating mga Kristiyano kuno, hindi naman alam ng nakakarami kung bakit siya pinako sa Krus. Saka tapos na yun. Nabuhay na Siyang muli.
Alam mo ba kung bakit?
Sirit na?
Parang kanta ni Manny Pacquiao, "Para sa iyo..."
Oo, ikaw.
Sabi ni Basil Valdez, "You"
Pinako si Jesus Christ para sa iyo at sa mga kasalanan mo. Eto lang ata yung bida nung istorya na namatay para dun sa mambabasa.
"Kahit Pagkakamali Nagiging Blessing"
Binabalak ko sanang ipa-dedicate ang aming bunso at pangalawang bunso noong ika 25 ng Hulyo. At dahil kapos sa cash, napag-isipan na lang namin na ipostpone.
Sad story? Move on?
But wait there's more again!
Sa aking pagiging makakalimutin at gayak na excitement bago ang non-event, nalimutan kong sabihin sa isa sa mga inimbitahan kong tao na na-postpone yung dedication. Isa siyang kaibigan ng aking ama at ngayo'y big time na.
Habang busy sa pagfacebook, biglang may nagtext, "Danny, nasa gate na ako, pakibuksan."
"Ay siya, patay." Sa isip isip ko.
Mabuti na lang at kalderetang manok ang ulam. Kahit papaano, dedication worthy, sort of, na siya.
Natuwa naman ako nung makita ko yung tao, at syempre, todo apologies.
Nakipaghuntahan ng kaunti, at tinignan ang lugar at sa aking gulat, biglang dumukot sa bulsa at nag-abot ng P9,000.
"Aba, hindi ko po matatanggap ito. Baka pag tinanggap ko'y hindi na po kayo pumunta dun sa tamang petsa. Naku sorry po talaga."
"No Dan, tanggapin mo na at babalik kami."
E di tanggap.
Masama raw tumanggi sa pagpapala. "O siya, sige," ka ko, "maraming salamat po."
Nung mga panahon na iyon, walang wala rin talaga ang Danny. Nakakahiyang tanggapin pero, siguro nga, sa kahinaan natin at ng iba, dun napapalakas ang tiwala natin sa Diyos.
Lahat ng bagay ay may dahilan. Hindi man natin nalalaman kaagad. Makalipas kasi ang ilang linggo mula noon ay may nangyari ding hindi inaasahan. Bagamat hindi ko kakilala ang tao, nabanggit sa akin ang pangyayaring hindi maganda.
Mas bata pa sa akin yung pumanaw. Sa kadiliman ng mundo minsan ay may mga pangyayaring hindi natin inaasahan. Isang Youth Pastor ang napatay ng nagulantang na magnanakaw, na nanloob sa kanila at nagtatago sa loob ng CR, at sugatan naman ang kanyang may bahay. Sa pagsambit sa akin ng isang ka-meeting ko na iyon ay may kumalabit sa aking puso. Dinala ako sa Muntilupa upang doon ay makiramay sa pamilya ni Pastor Jesus Arandia II. Youth Pastor ng Lighthouse Muntinlupa. 30+ anyos. 4 months pa lang silang kasal.
Dahil doon sa binigay sa akin, nagka mayroon ako ng pamasahe at nabigyan ng pagkakataong makiramay, kahit hindi ko kilala.
Lahat ng bagay ay may kadahilanan. Walang aksidente. Walang suerte. Walang malas. Pero noong araw na iyon, tikom ang aking bibig ng ako'y mamamaalam na dun sa batang biyuda ni Jesus. Si Danny, bantug na writer (daw) walang masabi.
~ o ~
Yes, real estate broker po ako. Pero kung ako'y gagawing broker ng Diyos, bakit hindi. Kayo na po ang bahala, di ko naman alam ang gagawin bilang broker ni God. (Tama ba yon?)
"God's Broker"
(Parang di naman ata kailangan ni God ng broker. Saka anu ba malay ko... Ako'y isa lamang writer at manlulupa...)
~ o ~
Sa Diyos nating si Hesu Kristo nawa lahat ng karangalan, lahat ng pagpupugay at lahat ng pagpupuri.
Soli Deo Gloria.
No comments:
Post a Comment